Nag-iisang lumilipad ang langay-langayan Anino niya'y tumatawid sa nanunuyong palayan Tanging sagot sa sigaw niya ay katahimikan At kaluskos ng hangin sa dahon 'Sang ikot pa, huling sulyap mula sa ibabaw ng bayan Mga kubong pinatatag ng lupa at kawayan Paalam na, paalam na ang awit ng langay-langayan Nguni't walang nakasaksi sa palayo niyang lutang Pagka't wala nang tao sa Sta. Filomena Walang aani sa alay ng lupa Nakayuko ang palay, tila bang nalulumbay Tila bang naghihintay ng karit at ng kamay Nahihinog ang bunga ng mangga't bayabas Pinipitas ng hangin at sa lupa'y hinahampas Sinisipsip ng araw ang tamis at katas Iniiwan ang binhing umaasa At pagdating ng tag-ulan sa pinaghasikan Upang hugutin ang buhay mula sa kamatayan Muling dadaloy ang dugo sa ugat ng parang Subali't ang lahat na 'to'y masasayang Pagka't wala nang tao sa Sta. Filomena Walang aani sa alay ng lupa Ang palay ay nakayuko, tila bang sumusuko Naghahandog ng buhay sa karit at kamao Lumilipad, sumisigaw ang langay-langayan Nasaan ka at bakit ka nagtatago taumbayan Panahon na, panahon nang balikan ang iniwan Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan