Si Berto ay kabataang kasama Lumaking katu-katulong ng amang magsasaka Sa pagpapabunga ng lupang ‘di kanila Sa laki ng upa halos wala nang matira sa kita Kaya matapos ang pangatlong bagyo Matapos mamatay kanyang amang byudo Pagka't panginoo'y walang sinasanto Sa pagbubuwis, sya'y lumayas Sya'y nagpasyang lumikas sa Maynila Pag-aangat ng kabuhayan ang adhika Handang makipagsapalaran sa syudad Kung san umano mas may oportunidad Kaya't isang tahimik na gabi ng Disyembre Baon ay isang kabang bigas at bente Sya'y nag-jeep, handa nang maglaboy Dinukot nya ang bente, ibinayad kay Bhoy Si Bhoy ay tsuper ng jeep Nakikipasada lang kaya graveyard shift Baon sa mataas na boundary at gasolina Kapag walang mahiram na jeep wala syang kita Kaya ngayong pagkagipit nya ay sumaklap Pampakain pampaaral sa walong anak Pambuhay sa pamilya, pangkotong sa parak Kaysa raw magnakaw, sya'y bumatak Sya'y namasada nang dalawang araw Tuloy-tuloy, walang antok na dumalaw Sinaid ang lakas ng katawan Para lang masulit nahiram na sasakyan Biglang umatake pagod nya sa byahe Pagsakay ni Berto, agad umabante Tinanggap ang bayad, paningin ay hazy Tinitigan ang bente, isinukli kay Baby Si Baby ay sales lady High heels, low pay, 8 hours daily Kontraktwal, kada anim na buwan Mangangaso na naman ng mapapasukan Ngayon kabuwanan na ng kanyang kontrata At ng kanyang pagdadalang-bata Wala pa namang katuwang na asawa Kaya't lumuluha syang pumara Sya ay nagtapos ng IT Pagkakaron ng akmang trabaho pala'y unlikely Nabuntis nang wala sa plano Kaya nagtiis sa ibang trabaho Ngayon pauwi sa may eskinita Sya'y naglalakad nang biglang hinila Punyal sa leeg, bantang sasaksakin Dinukot nya ang bente, isinuko kay Ben Si Ben ay batang maralita Tubong komunidad na takda nang magiba Sa hirap ng buhay ‘di nakapag-aral Sa murang edad sya ay nangalakal Ngunit nang magkasakit batang kapatid Ultimo pangkain ay ‘di na maitawid Hindi patas ang buhay, kanyang nabatid Kaya't sa patalim, sya'y kumapit Sya ay nangholdap gabi-gabi Mabilis ang pera at malaki-laki Isinusugal ang buhay at kalayaan Para lang sa kapatid na inaalagaan Pagkakuha nya sa buntis ng bente Sya'y tumakbo deretso sa palengke Bumili ng bigas, humingi ng diskwento Dinukot nya ang bente, ibinayad kay Berto